Life
Leave a Comment

Kung Bakit Hindi na Ako Naniniwala sa Ligawan

Gets. Ito nga raw ang highly recommended na pamamaraan ng pagsala ng magiging kasintahan sabi nina lolo at lola. Pati si mama at papa, naniniwala rin dito. Marami na raw kasing assholes sa mundo kaya dapat kinikilala muna ang lalaki bago ito sagutin.

Gayunpaman, marami pa rin akong problema sa sistemang ito na kung tawagin ay ligawan. Ito ang ilang sa kanila:

Sa ligawan, lalaki ang unang lumalapit habang ang babae ay nag-aantay lamang kung sino ang magtatangkang makuha ang matamis (pwe!) niyang “oo”.

Gaya ng marami, malaki rin ang pananalig ko sa sistemang ito noong ako’y mas bata pa. Kinilig naman ako noong may humingi ng permisong manligaw sa mga magulang ko, lalo na noong pumunta siya sa bahay na may dalang mga rosas. Pero matagal na iyon; yun pa yung mga panahon na hindi ko pa nahahalata ang mapait na katotohanang nakapalibot dito, na wala naman talagang karapatan ang babae na gumawa ng first move. Sa halip, hinintayin niya lang kung sino ang lalapit. At sa kaso ko nga, ni hindi ko nga crush yung nanligaw sa akin. Isa lang siyang random guy na nagdesisyong gusto niyang maging kasintahan ko. Dahil takot akong gumawa ng first move sa kung sinong tunay kong gusto, wala akong nagawa kundi mag-antay sa kung sino ang lalapit.

Mukhang sweet pero oo, gusto kang makuha ng manliligaw mo na para bang isa kang bagay o ari-arian.

Kaya nga kung madalas, ang salin ng “nililigawan” sa English ay “being pursued”. Edi wow! Para ka lang isang misyon na kailangang pagtagumpayan. Para makuha to, mayroon siyang investments (flowers, chocolates, effort, etc.). At dahil may investments, malamang, may inaasahang kapalit mula sa’yo. Unconsciously, para ka lang binibili. Kaya nga noong maging kami nung isang manliligaw kong iyon, lagi akong sinasabihan ng mga kamag-anak at kaibigan na maging mabait na kasintahan. Bakit? Kasi nakakahiya naman daw doon sa lalaki. Mabait naman daw at sweet.

Maraming napapasagot ng manliligaw dahil sa effort.

Ayos lang naman daw ito para sa iba. Gaya nga ng nabanggit kanina, may investment naman. Pero, ang problema ko rito (bukod sa ikaw yung return of investment or ROI), gaano ka ba ka-sigurado na kung ano ang effort niya habang nanliligaw ay kapareho nag effort na ibibigay niya sa mga panahong kayo na? Isa pa, prone din ito sa pagiging in love sa idea ng existence ng isang tao (dahil sa mga ginagawa at ibinibigay niya para suyuin ka) imbes sa kung sino talaga siya at kung ano ang pagkatao niya. Aminado ako, nadala ako sa effort nung manliligaw kong nabanggit. Ang sweet niya noong nanliligaw pa lang at akala mo kung sinong santo. Aba, nung kami na, ni hindi ako masamahan kapag may mga pupuntahan at medyo padilim na. Busy raw! Noong katagalan, nalaman kong busy pala sa ibang babae. Two-timer pala ang gago.

Pwede nga namang may magandang intensyon sa likod ng kaugaliang ito. Kahit paano’y naiintindihan ko naman ang panig ng mga magulang na gustong makita manlang na nagsusumikap ang isang lalaki para patunayan ang pagkagusto o pagmamahal sa kanilang anak. Pero hindi rin maitatanggi na ang modelo ng kaugaliang ito ay nakaugat sa napakapatriyarkal na karakter ng lipunan kung saan ang babae’y walang sariling desisyon. Hindi siya pwedeng pumili ng wala sa pila ng kaniyang mga manliligaw at para siyang isang trophy na kailangang pagsikapan.

Kaya kung ako ang tatanungin, mas gusto ko pa rin iyong walang ligawang nagaganap. Tipong magkaibigan o magkakilala lang kayo tapos mararamdaman niyo isang araw na pwedeng maging kayo. Pwede niyong pag-usapan kung ano ang susunod na hakbang; mutual ang desisyon sa kung ano ang mangyayari. Walang mga seremonya at kung anu-anong kaartehan. At dahil hindi ka niligawan, walang maisusumbat sa iyo balang araw na sayang lang ang pagod (una sa lahat, sabay kayong nagdesisyon na bumuo ng relasyon; pareho lang kayo ng lebel ng pagod, walang sisihan).

Sa ganitong setup din may roong pagkakapantay. Hindi ka parang gantimpalang kailangang pagtrabahuhan. Ikaw ay isang taong nagkakagusto, nagmamahal, at nagdedesisyon nang naaayon sa iyong nararamdaman. At sana, magtiwala na lang sa’yo ang iyong mga mahal sa buhay pati ang lipunan. Tutal, kahit babae ka, hindi ka naman nakabababang uri ng tao. Gaya ng lalaki na tinitingala nilang may lakas at lakas ng loob na manligaw at magsikap para mapasagot ang babaeng minimithi, mayroon ka ring kakayanan at talinong magdesisyon at pumili ng mamahalin para sa iyong sarili.

(Larawan mula sa pixabay.com)

Advertisements
This entry was posted in: Life

by

LRT Queen is Mina Deocareza, a superwoman from Quezon City, Philippines. She holds a creative writing degree from UP Diliman and works as a content writer and editor for a several websites and brands. She’s also the editorial director of Sinaya Cup, a local brand of menstrual cups. She tries to live more by owning less.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s