Life
Leave a Comment

Hanggang sa Muli, SC

Dismayado ako noong unang beses makapunta sa UP Shopping Center (SC).

Taong 2009 iyon. Pagbaba mula sa UP-Katipunan jeep, todo-taas ang isa kong kilay sa nakita: isang luma at mababang gusali, malayo sa ideya ko ng kung ano dapat ang hitsura ng isang shopping center.

Pagpasok ko, lalo akong nawindang sa paligid. Madilim, medyo masikip, at limitado ang mga tindahan. Akala ko talaga bago ang saglit na iyon, para siyang mall. Hindi pala.

Ngunit sa katagalan, nahulog din nang tuluyan ang loob ko sa lugar na ito. Sa paglipas ng mga araw, linggo, buwan, at taon ko bilang isang transferee sa Diliman, unti-unti ring lumaki ang papel nito sa buhay ko hanggang sa hindi na kumpleto ang mga araw nang hindi napapadpad dito.

Mula sa mga pangagailangang tulad ng pagkain at readings hanggang sa mga di gaanong mahahalagang mga bahay tulad ng sorbetes, dito ko iniasa sa loob ng ilang taon. Ito rin ang sumalo sa akin nang makailang ulit sa mga umagang kailangan kong magpakopya ng readings para sa mga klase, lalo na kung simula ng semestre.

Ito rin ang inasahan ko noong isang semestreng wala akong sariling laptop. Naibenta ko kasi iyong sa akin dahil gipit. Para makaraos, mano-mano akong nagsulat ng papel sa yellow paper. Nang matapos sa pagsusulat, saka ako umupa ng computer sa isa sa mga stall sa SC at nag-encode. Ginabi ako noon at halos mapagsarhan na ng Internet cafe.

Natunghayan din ng SC ang pakikipaghabulan ko sa oras, lalo na kung hell week at may kailangang ipasang papel sa mga klase. Dito galing ang PE uniform na kailangan sa Running for Fitness, pati na rin ang Sablay na ginamit ko noong 2013.

Marami pang mga alaala. Hindi ko na iisa-isahin sa sobrang dami. Ang mahalaga, malinaw sa akin ang naging papel ng lugar na ito sa buhay ko, di lang bilang isang iskolar ng bayan kundi bilang isang tao na rin. Kaya naman sa pagkasunog nito, hindi ko maiwasang maging emosyonal. Di pa man nakababangon sa kalungkutang dala ng pagkasunog ng Faculty Center, heto na naman ang isang trahedya.

Hindi ko alam kung anong mangyayari sa SC, sa totoo lang. At dahil pagod na ako sa mga katapusan, ayokong magpaalam. Siguro kahit paano, umaasa pa rin akong muli itong babangon mula sa pagkalugmok, kasama na rin ng pagbangon ng mga negosyante, manggagawa, guro, at mag-aaral na apektado nito. Hindi naman siguro masama, di ba?

Kaya wala munang paalam, SC. Hanggang sa muli lang.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s